Aabot sa higit 10,000 pasaway na mga motorista ang natiketan ng Land Transportation Office-National Capital Region (LTO-NCR) sa unang quarter ng 2024 sa pinaigting na kampanya nito kontra traffic violators.
Ayon sa LTO-NCR, mas mataas ito kumpara sa 3,662 na nahuli noong unang quarter ng 2023.
Dagdag pa ng ahensya, nagbunga ito ng ₱26-na milyong kita sa gobyerno na mas mataas ng 204% kumpara sa kaparehong panahon noong 2023.
Mula sa bilang naman ng mga natiketan, 4,982 ang mga motoristang nahuli sa paglabag sa Republic Act (RA) 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code.
Kabilang dito ang 764 kaso ng unregistered motor vehicles, sa ilalim ng ‘No Registration, No Travel’ policy.
Nasa 1,412 naman ang nahuli sa pagmamaneho ng may mga depektibong accessories, devices, o equipment.
Kabilang pa sa violation ang mga sumusunod:
Pagmamaneho ng naka-tsinelas (699), walang dalang OR/CR (556), reckless driving (378), pagmamaneho ng walang lisensya (221), disregarding traffic signs (139), at obstruction (124). | ulat ni Merry Ann Bastasa