Pinasinungalingan ng National Security Council (NCS) ang pinakahuling pahayag ng China, kung saan sinabi ng foreign minister nito na may common understanding ang Beijing at Maynila, sa ilalim ng kapwa Duterte at Marcos Administration kaugnay sa pag-handle sa Ayungin Shoal.
“Noong una, iyong pangako na napako raw iyong promised.; and then naging gentleman’s agreement; tapos ngayon naman, mayroon namang internal or common understanding between the Philippines and China. At ngayon, under this administration na di umano…at dahil raw hindi sinunod ng Pilipinas itong kasunduan with the Marcos administration, tayo raw talaga ang may kasalanan sa mga pagtaas ng tensyon sa West Philippine Sea kasi hindi tayo marunong tumupad sa mga understanding at arrangement na iyan.” -Malaya
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Assistant Director General Jonathan Malaya na maliwanag ang posisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Maliwanag na pong nagsalita ang ating Pangulo na hindi tayo papasok sa mga ganitong mga understanding kasi unang-una, labag ito sa ating Konstitusyon; labag ito sa ating interest nasyonal or the national interest. And kahit bali-baliktarin pa man ng People’s Republic of China ang kanilang mga naratibo dito ay wala po itong katotohanan. There was no internal understanding on common understanding.” -Malaya
Ang Pilipinas ay hindi kailan man papasok sa mga ganitong kasunduan na labag sa Konstitusyon, at labag sa interes ng bansa.
“And I’d like to make a point, na any supposed arrangement na wala namang kinalaman o walang approval ng ating Pangulo is not an agreement at all… Everything must have the approval of the President.” -Malaya.
Kahit bali-baliktarin pa aniya ng China ang kanilang mga pahayag, walang katotohanan ang mga ito.
“In this case, maliwanag iyong naging statement ng ating Pangulo na never tayong papasok sa mga ganitong mga kasunduan kasi this can be considered by other parties na, “Oh, nakikipagsundaan pala kayo so parang you recognized already the authority of China in the West Philippine Sea.” So we will never do that because that’s against our interests.” -Malaya. | ulat ni Racquel Bayan