Umabot sa mahigit 40 katao ang sabay-sabay na isinugod kamakailan sa Maimbung District Hospital sa bayan ng Maimbung, Sulu matapos makaranas ng mga sintomas ng acute gastroentiritis.
Bagama’t tumanggi si Dr. Shaheeda Hassiman, medical chief ng Maimbung District Hospital, na isa itong uri ng food poisoning, inamin nito na na-admit ng dalawang araw sa naturang ospital ang ilan sa mga ito. Habang, ang iba naman ay out patient lamang at pinauwi din nang malapatan ng paunang lunas.
Napag-alaman ng Radyo Pilipinas Jolo na mga police trainees sa Headquarters ng Regional Mobile Force Battalion 14-B sa Maimbung ang karamihan sa mga biktima ng diumano’y food poisoning matapos kumain ng chicken patel o pastil na madalas din naman nilang kinakain.
Maaari matagal diumano bago ito naiabot o naihain sa kanila sa loob ng kampo hanggang sa tuluyan nang napanis na siyang naging dahilan ng pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng tiyan at pagtatae ng mga nagsasanay na nakakain nito.| ulat ni Fatma Jinno| RP1 Jolo