Pinawi ng Globe Telecommunications Inc. ang pangamba ng publiko hinggil sa kumakalat na pekeng balita kaugnay ng umano’y pagkawala ng laman ng e-wallet GCash accounts sa pagtatapos ng SIM registration ngayong darating na Abril 26.
Kumalat kasi kamakailan ang mga post sa social media na nagsasabing kailangan nang i-withdraw ang pera sa GCash bago pa ito abutan ng “update” sa Miyerkules.
Pagbibigay-diin ng pamunuan ng GCash at parent company nitong Globe Telecom, walang katotohanan ang naturang balita at makaaasa ang lahat na ligtas ang kanilang mga account.
Kaugnay nito, muling iginiit ng telecom company na mahalagang makapagparehistro na ang SIM users sa kani-kanilang telco providers bago ang deadline sa Abril 26.
Ito’y upang hindi ma-deactivate ang kanilang numero at maiwasan ang pagkakaroon ng pagkaantala sa pag-access ng kanilang GCash accounts.
Bukod sa pag-scan ng QR code, maaari ring bisitahin ang website ng opisyal na Globe SIM registration website sa https://new.globe.com.ph/simreg upang mairehistro ang numero ng mga prepaid SIM cards habang ang mga may postpaid users naman ay pwedeng mag-text ng “SIMREG” sa 8080.
Isang valid ID lamang ang kailangan at sagutan ng tama at totoo ang mga impormasyong hihingin.