Pinapurihan ni Basilan Rep. Mujiv Hataman ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makatutulong ang nakatakdang 2025 Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) elections.
Aniya, malinaw ang sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na tuloy na tuloy na ang BARMM elections sa susunod na taon at mabibigyang pagkakataon ang mga residente ng BARMM na maipatupad ang kanilang democratic rights sa ilalim ng Konstitusyon at ng Bangsamoro Organic Law.
Ikinalugod din ng mambabatas na kinikilala ng Pangulo ang karapatan ng mga taga-Bangsamoro region na pumili kung sino ang mamumuno sa kanila.
“Napakahalaga sa puntong ito sa kasaysayan ng BARMM. This is the culmination of the people’s right to self-determination and self-governance that many fought for…Ang Bangsamoro ay para sa Bangsamoro, hindi lamang para sa iilan. Panahon na para ang mamamayan ang sumulat ng kanilang kasaysayan. Walang tunay na demokrasya kung wala sa kamay ng mamamayan ang pagpili ng kanilang mga pinuno” ani Hataman.
Sa komemorasyon ng ika-10 anibersaryo ng pagkakalagda ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa Barira, Maguindanao del Norte, pinaalalahanan ng pungong ehekutibo ang mga taga BARMM na bumoto sa nalalapit na eleksyon.
Binalaan din ni PBBM ang mga may planong guluhin ang halalan na huwag na itong ituloy dahil pamahalaan ang kanilang kinakalaban.
Dapat ay 2022 pa ginanap ang BARMM elections ngunit ipinagpaliban sa 2025. | ulat ni Kathleen Forbes