Nanawagan si Senador Chiz Escudero sa pamahalaan na paghandaan na ang La Niña weather phenomenon.
Ito ay kasunod ng babala ng PAGASA, na mataas ang posibilidad na magde-develop ang La Niña sa ikalawang bahagi ng taon.
Ipinunto ni Escudero na kailangan ng komprehensibong programa at maagang pag aksyon para maprotektahan ang mga vulnerable sector, at mabawasan ang banta ng La Niña na inaasahang magdudulot ng malalakas na pag-ulan sa bansa.
Lalong lalo na aniyang dapat ikonsidera ang magiging epekto ng La Niña sa mga magsasaka at sa mga mangingisda.
Binigyang diin rin ng mambabatas ang pangangailangan sa responsableng alokasyon ng calamity funds ngayong umiiral ang El Niño at pinaghahandaan ang La Niña.
Ayon kay Escudero, maaari ring legal na magamit ang calamity fund sa paghahanda sa isang kalamidad at hindi lang kapag umiiral na o dumaan na ang kalamidad.
Kaya naman hindi dapat ubusin lang sa pagtugon sa El Niño ang calamity fund ngayon, at gamitin na rin ito sa preparasyon sa La Niña. | ulat ni Nimfa Asuncion