Walang nakikitang problema ang Philippine National Police (PNP) sa pagsanib ng mga dating mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) sa kanilang hanay.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo na ang unang batch ng 100 dating moro combatant na nakatapos ng 6 na buwang basic PNP training course ay inisyal na idedeploy sa mga istasyon ng pulis para sumailalim sa Field training.
Dito’y oobserbahan nila sa loob ng 60 araw ang actual na trabaho ng mga pulis kabilang ang pagpapatrolya, traffic duty, imbestigasyon; at magsasanay sa immediate action drills, land and water navigation, at search and rescue, at iba pang urban at rural operations.
Pagkatapos aniya nito ay saka sila idedeploy sa mga istasyon sa Bangasamoro Autonomous Region bilang mga Patrolman at Patrolwomen.
Sinegundahan ni Col. Fajardo ang sinabi ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang pagyakap sa kapayapaan at kaayusan sa BAR ng mga dating kalaban ng gubyerno ang simula ng tunay na pagbabago sa mga dating conflict areas sa Mindanao. | ulat ni Leo Sarne