Patay ang isa sa limang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos mauwi sa engkuwentro ang ikinasang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Maguindanao del Sur.
Ito’y bahagi ng Operation “Paglalansag Omega” ng pulisya laban sa naturang grupo na sinasabing sangkot sa iligal na pagpupuslit ng mga armas o gunrunning activities.
Kinilala ni CIDG Director, PMGen. Romeo Caramat Jr. ang mga naaresto sa mga alyas na Basir, Ismael, Ari, Ibrahim at Zaldy.
Unang nagkasa ng buy-bust operation ang CIDG sa Brgy. Poblacion sa bayan ng Talayan subalit nakaamoy ang mga suspek na pulis ang kanilang ka-transaksyon kaya’t nauwi ito sa engkuwentro.
Dahil dito, napuruhan sa bakbakan sina alyas Ibrahim at Zaldy na agad namang dinala sa Datu Odin Sinsuat District Hospital.
Gayunman, nakaligtas si Ibrahim subalit idineklara namang dead on arrival si alyas Zaldy.
Nabatid na si alyas Zaldy ay tumatayong battalion commander ng Inner Armed Based Command ng Bangsamoro Armed Force ng MILF.
Nakuha sa pinangyarihan ng engkuwentro ang matataas na kalibre ng mga armas.
Samantala, ipinagharap naman ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Law ang iba pang kasamahan ng nasawing si alyas Zaldy. | ulat ni Jaymark Dagala