Dinagsa ng mga jobseeker ang ikinasang Mega Job Fair ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ngayong Araw ng Paggawa o Labor Day.
Pinangunahan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang pagbubukas ng naturang job fair sa Robinson’s Metro East Grand Mall kasama ang mga opisyal ng Sangguniang Panglungsod gayundin ng Public Employment Service Office – PaMaMariSan.
Ayon sa PESO-PaMaMariSan, nasa 50 local employer at 10 overseas employer ang lumahok sa naturang jobs fair katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na naghahandog din ng libreng serbisyo.
Kabilang sa mga ito ay mula sa Social Security System, Pag-IBIG Fund, PhilHealth, Philippine Statistics Authority, Technical Education Skills Development Authority, Philippine National Police at iba pa.
Pinakamarami sa mga kalahok na employer ay nangangailangan ng mga manggagawa sa service sector, frontline services gaya ng service crew at clerical positions.
Habang mga skilled worker naman at clerical positions din ang kailangan ng mga overseas employer na kalahok sa job fair.
Aabot sa 5,167 na mga job vacancy ang inaasahang mapupunan sa pagpapatuloy ng job fair na tatagal hanggang alas-4 ng hapon ngayong Mayo 1. | ulat ni Jaymark Dagala