Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, nangako ang Department of Social Welfare and Development ng mas pinaigting na programa para sa pagprotekta sa kapakanan ng nasa labor force, partikular ang mga batang manggagawa.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, habang kinikilala ng pagdiriwang ang makabuluhang kontribusyon ng mga manggagawa, ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ay nagsisilbi ring paalala sa halaga at karapatan ng mga bata na isinasabak na sa paggawa.
Sa pamamagitan ng Strategic Help Desks for Information, Education, Livelihood at iba pang Developmental Interventions o SHIELD Against Child Labor, ang DSWD ay nakapagsilbi na sa 10,192 child laborers mula 2021 hanggang 2023.
Mula sa opisyal na datos ng mga natukoy na child laborers, nasa 1,986 na benepisyaryo ng SHIELD ang na-evaluate na malaya na sa anumang uri ng child labor at naibalik na muli sa kani-kanilang pamilya at komunidad.
Sinabi pa ni Dumlao na ang mga natukoy na child laborers ay nabigyan ng holistic at agarang interbensyon sa antas ng komunidad kabilang ang pagbibigay ng mga serbisyo mula sa DSWD .
Kabilang dito ang educational assistance, cash aid sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Sustainable Livelihood Program (SLP), at case management mula sa DSWD at mga referral ng kaso sa ibang ahensya. | ulat ni Rey Ferrer