Epektibo ngayong araw, ipatutupad ng Pamahalaang Lungsod ng San Juan ang Resolution no. 24-08.
Ito ay nagtatakda sa mga kawani ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa mas pinaagang pasok mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.
Ayon kay San Juan City Mayor at Metro Manila Council President Francis Zamora, alinsunod ito sa ipinasang resolusyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na pinagtibay ng Metro Manila Council (MMC).
Layon nito na makatulong ibsan ang matinding daloy ng trapiko sa kalakhang Maynila lalo pa’t kaliwa’t kanan din ang mga pagawaan sa ilang pangunahing lansangan.
Gayunman, sinabi rin ng alkalde na may nakatalaga silang skeletal force na siyang mananatili sa mga kinakailangang tanggapan ng lokal na pamahalaan mula alas-4 hanggang alas-5 ng hapon. | ulat ni Jaymark Dagala