Nanindigan ang DICT na kailangan na ng bansa ng Cyber Security Act.
Sa pagtalakay ng House Committees on Information and Communications Technology at Public Information hinggil sa serye ng cyber attack sa mga ahensya ng pamahalaan, natanong ni Manila Rep. Bienvenido Abante kung hindi pa ba sapat ang pagkakaroon ng cyber security divisions ng mga ahensya.
Tugon ni DICT Usec. Jeffrey Ian Dy, kailangan ng batas dahil walang kapangyarihan ang gobyerno, partikular ang DICT para magsagawa ng audit sa critical information infrastructures.
Maliban dito, nagbago na rin aniya ang mundo ng cyber crime.
Wala rin aniyang paraan ang pamahalaan para atasan ang mga media platform na nagagamit para i-leak ang nakuhang impormasyon o datos ng mga indibidwal.
Nakakatulong din aniya ang pagkakaroon ng Cyber Security Law para umangat ang ranggo ng Pilipinas sa Global Security Index.
Sa hiwalay na interpelasyon ay sinabi ni Antipolo Rep. Romeo Acop na karamihan sa public services sa bansa gaya ng tubig, kuryente, maging toll plaza ay walang matibay na cybersecurity defense compliance.
Kinumpirma ito ni Dy at sinabi na ito rin ang dahilan kung bakit kailangan na talaga ng batas sa cyber security.
Una nang sinabi ni Dy na nasa higit 30,000 vulnerabilities ang kanilang natuklasan sa cybersecurity ng nasa 2,000 ahensya ng pamahalaan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes