Nanatiling mababa ang presyo ng ilang pangunahing bilihin sa bansa partikular ng agricultural commodities sa huling bahagi ng Abril batay sa pinakahuling monitoring ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa PSA, bumaba pa ng P8.00 ang average retail prices sa kada kilo ng galunggong na nasa P196.29 ang kada kilo noong ikalawang bahagi ng Abril mula sa P204.49 na kada kilo noong unang bahagi ng Abril.
Malaki rin ang ibinaba sa presyo ng kamatis na mula sa P80.40 ang kada kilo noong Marso ay nagkakahalaga na lang ng P68.52 sa huling phase ng Abril.
May bahagyang pagbaba rin sa presyo ng itlog na mula sa P8.72 kada piraso sa medium size noong Marso ay nasa P8.58 nalang nitong Abril.
Samantala, bahagyang tumaas naman sa P51.41 ang retail price ng kada kilo ng regular milled rice, mula sa sa P51.21 na bentahan noong Marso.
Maging ang asukal ay may halos piso ring pagtaas na nasa P87.84 ang kada kilo nitong Abril mula sa P86.99 noong Marso. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: PSA