Nakiusap ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lokal na pamahalaaan na magkaisa at huwag haluan ng anumang politika ang pamamahagi ng family food packs sa mga nangangailangan.
Ang apela ay kasunod na rin ng nangyaring pagtatalo sa Antique ng alkalde at bise alkalde na umabot pa sa suntukan dahil sa food packs.
Paliwanag ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao, pumagitna na rito ang DSWD Field Office at naplantsa na rin ng alkalde at bise alkalde ang kanilang di pagkakaunawaan.
Naipamahagi na rin aniya ang mga food pack sa mga residenteng apektado ng El Niño.
Upang maiwasan namang maulit ito, hinikayat ng DSWD ang mga lokal na pamahalaan na sumunod sa proseso sa pag-request ng anumang assistance sa ahensya kabilang ang family food packs alinsunod na rin sa regional prepositioning agreement.
Dagdag pa ni Asec. Dumlao, bago mai-release at maipamahagi ang anumang food packs ay dapat na may pahintulot ito sa DSWD.
Kasunod nito, muling tiniyak ng DSWD na hindi ito nagpapagamit sa politika at prayoridad ang makapaghatid ng serbisyo sa mga mamamayang labis na nangangailangan. | ulat ni Merry Ann Bastasa