Malaki ang maitutulong ng amyenda sa Rice Tariffication Law para mapababa ang inflation ayon kay House Committee on Agriculture and Food vice-chair at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing.
Sa pulong balitaan sa Kamara sinabi ni Suansing na bahagi ng planong amyenda sa RTL ang pagbabalik kapangyarihan sa National Food Authority na makapagbenta muli ng mas murang bigas sa mga pamilihan.
Sa paraang ito, magkakaroon ng access ang publiko sa mas abot-kayang presyo ng bigas.
Oras na maisakatuparan, maaaring bumaba ng P10 hanggang P15 ang presyuhan ng kada kilo ng bigas.
Kaya ang kasalukuyang P42 na well-milled rice ay posibleng maging nasa P30 hanggang P35 na lang.
Paliwanag ni Suansing na ang bigas ang ‘main driver’ sa inflation.
Sa loob kasi ng isang taon, tumaas ng 24.4% ang presyo ng bigas habang mula February hanggang March ay tumaas ang presyo nito ng 1%.
Kaya naman kung magkakaroon ng NFA rice sa mga pamilihan ay inaasahan na bababa ang presyo ng commercial rice dahil magkakaroon na ng kompitensya.
Nagpasalamat naman si Suansing kay Speaker Martin Romualdez na ginawang prayoridad ng Kamara ang amyenda sa RTL.
Sa susunod na linggo ay inaasahan aniya nilang matapos sa komite ang pagdinig sa mga panukala upang agad ding maisalang sa plenaryo sa ikatlong linggo ng Mayo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes