Nagpahayag ng kagalakan ang mga mambabatas mula sa iba’t ibang partido sa anunsyo ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na plano ng kaniyang partido na Partido Federal ng Pilipinas na makipag-alyansa sa iba pang political parties para sa 2025 midterm elections.
Ayon kay Isabela Rep. Inno Dy ng Lakas-CMD, mula pa lamang noong nangangampanya ang Pangulo, ang mensahe at panawagan nito ay pagkakaisa.
Kaya naman magandang hakbang ang pagkakaroon ng alyansa ng mga partidong politikal para ipagpatuloy ang ‘unity’ para na rin sa ikauunlad ng bayan.
“Bilang isang miyembro po ng Lakas, ako po siyempre masaya po ako na yun po ang ninanais ng ating mahal na Pangulo given na from the beginning during the campaign period his message was all about unity. And so, it is really just appropriate na under I guess sa coalition and alliances between the parties di ba po na we continue on that path of unity for the sake of progress, for the sake of development in our country,” wika ni Dy.
Sabi pa ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing, na mula rin sa Lakas-CMD, pinatunayan ni PBBM na kaya niyang makipagtrabaho anuman ang partidong kinabibilangan.
“May parte lang doon sa speech ng ating Presidente na nag-standout sa akin, yung sa gawing dulo na sinabi niya na uhaw na rin yung mga Pilipino sa pagkakaisa, sa tunay na pagkakaisa. And I’m very excited because I believe this administration and our dear President is that factor that can really unite the different parties. Ang ganda po, nakikita niyo naman po yung ating Presidente can alliance across party line. And yun po yun isang bagay na talagang something that I really, really admire about our President,” pagbabahagi ni Suansing.
Maging si Taguig Rep. Pammy Zamora na mula naman sa Nacionalista Party, sinabi na ipinapakita nito na kaisa ng mga partido ang Pangulo sa pagsusulong ng kapakanan ng bansa.
“Ako naman bilang miyembro ng Nationalista Party, I welcomed this pronouncement by the President. We’re very very happy na gusto niya makipag coalesced sa iba’t ibang partido lalo dito sa House. Magandang balita ‘yan sa amin kasi ibig sabihin nu’n kaisa namin ang Presidente. Hindi lang siya nagsosolo sa kanyang partido pero kaisa kami. And it will always bring us forward, mas maganda po iyon na nagkakaisa po kaming lahat,” dagdag ni Zamora.
Ganito rin ang posisyon ni Tingog party-list Rep. Jude Acidre mula sa Party-list Coalition o PCFI.
Aniya, ang panawagang pagkakaisa ng political parties ay isang magandang pangitain para sa kinabukasan ng Pilipinas.
“Bilang bahagi ng isang koalisyon ng mga party-list na sumusuporta sa administrasyon, natutuwa tayo dito sa panawagan ng Presidente na magkaisa ang mga partidong politikal sa pagsulong ng isang ‘common agenda’ sa pangunguna po ng ating Pangulo. Marahil itong panawagan ng ating Pangulo na magkaisa na ang mga partido politikal ay magiging magandang pangitain po para sa kinabukasan ng ating bansa kung saan puwede na nating isantabi ang pulitika at tayo ay mag-focus na sa trabaho sa pagpapaunlad ng ating bansa, pagbantay ng nasasaktong mga batas na magpapalakas pa sa ating ekonomiya at lalong-lalo na sa mas mabilis na implementasyon,” sabi ni Acidre. | ulat ni Kathleen Jean Forbes