Suspendido pa rin hanggang ngayong araw, May 4, araw ng Sabado ang face-to-face classes sa lahat ng antas, mapa-pribado o pampublikong eskwelahan man, sa Lungsod ng Pasay dahil pa rin sa banta ng matinding init ng panahon o heat index.
Ayon sa Pasay City Public Information Office, ang suspensyon ng face-to-face classes ngayong araw ay alinsunod sa inilabas na Executive Order No. 42 ng alkalde ng Lungsod na si Mayor Emi Calixto-Rubiano na kung papalo ng 42 degrees celsius o higit pa ang temperatura ay pansamantalang isususpinde ang mga in person classes sa lungsod.
Base sa kasi sa inilabas na Climate Heat Index forecast ng PAGASA-DOST ngayong araw ay maaaring pumalo sa 42 degrees celsius o higit pa ang mararanasang temperatura ngayong araw hanggang bukas.
Ipinaabot naman ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Pasay na gawin ang paraan ng pagtuturo at pagkatuto sa pamamagitan ng online, modular, o anumang alternatibong paraan na nakabatay sa kakayahan ng paaralan, guro, at ng mga mag-aaral.| ulat ni EJ Lazaro