Nagpaabot ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mag-asawang nasugatan sa Hong Kong matapos ang pagguho ng lupa dulot ng matinding pag-ulan.
Sa isang pahayag, sinabi ng DMW na nagtatrabaho ang mag-asawang Pilipino sa isang resort sa Sai Kung na kumukuha lamang ng mga larawan at video sa pinsalang tinamo ng kanilang pinagtatrabahuan bunsod ng pag-ulan nang mangayari ang landslide.
Nagtamo ang babae ng sugat sa ulo subalit patuloy na inoobserbahan sa ospital at nasa ligtas nang kalagayan habang ang lalaki naman ay nagtamo ng matinding sugat sa binti at kinailangang operahan.
Katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), naghatid ng tulong ang Migrant Workers Office sa Hong Kong ng tulong pinansyal para sa pagpapagamot ng mag-asawa.
Patuloy namang nakatutok ang DMW sa sitwasyon ng iba pang mga kababayang nagtatrabaho sa Hong Kong. | ulat ni Jaymark Dagala