Hindi isinasantabi ng pamahalaan ang posibleng cyber attack sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Ito ang inihayag ni National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Director General Ricardo de Leon sa “Bagong Pilipinas” Media Engagement and Workshop sa Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) sa San Narciso, Zambales noong Biyernes.
Ayon kay de Leon, kumikilos na ang pamahalaan para kontrahin ang posibleng “cyber threat” na kabilang sa mga security issues sa kanilang ginawang threat assessment sa administrasyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ngayon, pinag-aaralan na aniya ng NICA at Commission on Elections (COMELEC) ang eleksyon sa Taiwan at ang paparating na halalan sa Estados Unidos dahil maaaring magkaroon din ito ng implikasyon sa political issues sa bansa.
Kasabay nito, sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa naturang workshop na mahigit 70 bilyong piso ang kanilang ilalaan para sa “cyber systems” sa susunod na 10 taon sa ilalim ng Horizon 3 ng AFP modernization program bilang pagsulong ng cyber warfare capability ng militar na bahagi ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC). | ulat ni Leo Sarne