Pinagdedebatihan pa rin ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang legalidad ng pagpapatupad ng “No Contact Apprehension Policy” o NCAP.
Ayon kay Supreme Court spokesperson Atty. Camille Ting, sumasailalim pa rin sa deliberasyon ng en banc ang legalidad ng nasabing polisiya, matapos maglabas ng Temporary Restraining Order ang Korte noong 2022.
Hanggang sa ngayon ay wala pa ring inilalabas na hatol ang Korte Suprema sa petisyon ni Atty. Juman Paa na humihingi na ideklara na ‘unconstitutional’ ang NCAP.
Ibig sabihin nito, hindi pa rin maaaring ipatupad ang panghuhuli o pagpapataw ng parusa sa mga traffic violator sa ilalim ng NCAP, gayundin ang mga kaugnay na ordinansa.
Ang paglilinaw ng SC ay kasunod ng mga kumakalat na text message na nagbababala sa mga indibidwal kaugnay ng umano’y traffic violation sa ilalim ng NCAP.
Nakasaad din sa text message na kailangang magbayad ng violator sa isang kahina-hinalang website dahil kung hindi ay masususpindi ang driver’s license.
Una nang nilinaw ng MMDA na peke at malisyoso na text message, na isa umanong uri ng scam. | ulat ni Mike Rogas