Nanindigan si Agriculture Sec. Francisco Tiu-Laurel na kailangan maipagpatuloy ang Rice Tarrification Law.
Sa pagharap ng kalihim sa House Committee on Agriculture and Food sa pagtalakay ng panukalang amyenda sa RTL, sinabi niya na dahil sa epekto ng climate change at kakulangan sa suplay ng bigas sa world market ay dapat lang na ipagpatuloy ang implementasyon ng RTL kasabay ng pagpapatupad ng amyenda dito.
Suportado rin ng kalihim ang pagbabalik ng National Food Authority na makapagbenta ng bigas sa merkado bilang price stabilizer.
Pinababalik din nito ang kapangyarihan ng NFA na makapag import ngunit sa otorisasyon lamang ng Agriculture secretary.
Kasama rin sa suhestyon ng kalihim ang pagpapalawig sa rice competitiveness enhancement fund o RCEF ng hanggang 2030 at ang reallocation ng pondo sa farm machinery, post-harvest facilities, seed development at training and extension programs.
Nais rin ng kalihim na mailaan ang sosobrang sa P15 billion na taripang makokolekta ay mailaan sa financial assistance, water impounding, watershed rehabilitation at solar powered irrigation programs pati na ang seed cold storage facilities. | ulat ni Kathleen Forbes