Hihintayin ng mataas na kapulungan ang pag-aaral ng executive branch patungkol sa panukalang dagdag sweldo para sa mga kawani ng pamahalaan.
Ito ang pahayag ni Senate Committee on Labor chairman Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng panukalang panibaagong salary standaridization law.
Naniniwala si Estrada na may sapat na panahon para pag-aralan ang naturang panukala bago ang dinggin ng Kongreso ang 2025 National Budget.
Kaya naman inaasahan ng senador na makakapagpresenta ang Department of Budget and Management (DBM) ng komprehensibong pag-aaral tungkol sa feasibility na mabigyan ng dagdag na round ng dagdag sahod ang government workers sa mga susunod na taon.
Kung sakali namang hindi kakayanin ang pagpapasa ng panukalang SSL V, isa aniyang posibleng solusyon ang paglalabas ng Executive Order para makapagpatupad ng umento sa sahod ng mga empleyado ng gobyerno.
Umaasa si Estrada na mabibigyan ng konsiderasyon ang panukala niyang ito dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.| ulat ni Nimfa Asuncion