Inaasahang madadagdagan pa ang diplomatic protest na ihahain ng Pilipinas laban sa China dahil sa pangha-harass ng mga ito sa mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), sa ngayon kasi ay nasa 153 ang kabuuang bilang ng diplomatic protest na kanilang inihain laban sa Beijing.
Kasama na rito ang inihaing protesta dahil sa pagbomba ng water cannon sa barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng humanitarian mission sa naturang bahagi ng karagatan.
Sa ngayon, pinag-aaralan na ng DFA na magsampa ng protesta laban sa China dahil sa pagbomba ng water cannon sa bandila naman ng Pilipinas na nakalagay sa barko ng bansa habang naglalayag sa Scarborough Shoal.
Sinabi ni DFA Spokesperson Ambassador Maria Teresita Daza, hinihintay na lamang nila ang report mula sa Philippine Coast Guard (PCG) na magiging basehan sa isasampang reklamo.
Sa panig naman ng Philippine Coast Guard, naniniwala si PCG Spokesperson Commodore Jay Tarriela na sinasadya ng Chinese Coast Guard na targetin ang bandila ng Pilipinas na bombahin ng water cannon.| ulat ni Lorenz Tanjoco