Magiging araw-araw ang isasagawang clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Mabuhay Lanes at iba pang alternatibong ruta habang nakasara ang EDSA-Kamuning Flyover Southbound sa Quezon City.
Ito ang inihayag ni MMDA General Manager Undersecretary Procopio Lipana.
Aniya, layon nitong matiyak na maluwag ang mga daraanan ng mga motorista.
Sa ikinasang operasyon ng MMDA Special Operations Group Strike Force ngayong araw sa Mabuhay Lanes, nasa 17 mga sasakyan ang natiketan at lima ang nahatak dahil sa ilegal na mga nakaparada.
Pinaalis din ng MMDA ang mga illegal vendor na umuokupa sa sidewalk.
Photo: MMDA
Paalala ni Lipana sa pubiko na ang sidewalk ay ginawa para daanan ng taumbayan at hindi para gawing tindahan.
Matatandaang isinara ang EDSA Kamuning Flyover sa mga motorista simula May 1 hanggang October 25 para isailalim sa rehabilitasyon. | ulat ni Diane Lear