Bahagya pang bumilis ang inflation o galaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa nitong Abril.
Sa ulat ni PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, naitala sa 3.8% ang headline inflation sa bansa nitong Abril na mas mataas kumpara sa 3.7% inflation rate noong Marso.
Pasok ito sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 3.5% hanggang 4.3%.
Paliwanag ng PSA, ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng antas ng inflation ay ang mas mabilis na pagsipa sa presyo ng food at non-alcoholic beverages na nasa 6% inflation.
Kabilang dito ang pagtaas sa presyo ng sibuyas at isda partikular ang galunggong.
Ayon pa sa PSA, bumilis rin ang taas-presyo sa transport partikular ang gasolina at diesel.
Dahil naman dito, ang average inflation mula Enero hanggang Abril ay pumalo sa antas na 3.4%.
Dito sa NCR, bumagal naman sa 2.8% ang inflation mula sa 3.3% noong Marso.
Ito ay dahil sa mas mabagal na taas-presyo sa kuryente at pati na ang karne, saging, at tilapia.
Habang sa labas ng NCR, bumilis sa 4.1% ang inflation mula sa 3.8% noong Marso dahil sa pagtaas sa food inflation. | ulat ni Merry Ann Bastasa