Muling umapela si Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian na tuluyan nang ipatigil ang operasyon ng lahat ng mga POGO sa Pilipinas.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality tungkol sa alegasyon ng human trafficking at iba pang krimen sa mga POGO, sinabi ni Gatchalian na tila niloloko na lang tayo ng mga POGO dahil sa ibinabandera nilang lehitimo ang kanilang lisensya mula sa PAGCOR pero puro ilegal naman ang ginagawa nilang mga aktibidad.
Kabilang sa mga ilegal na gawain aniyang ginagawa ng mga POGO dito sa ating bansa ay ang crypto scam, love scam, human trafficking, torture at illegal detention.
Iginiit ng mambabatas na walang mabuting dulot ang mga POGO.
Kaya naman nararapat lang aniyang matuldukan na ang operasyon ng mga POGO dahil mas nakakatakot pa sila ngayong marunong na silang manuhol para maproteksyunan ang kanilang operasyon sa bansa.
Ipinunto pa ni Gatchalian na ngayong administrasyon pa lang ay anim na raids na sa mga POGO ang nangyari: sa Sun Valley sa Clark; Rivendell sa Las Pinas; sa Paranaque at sa Pasay.
Habang itong sa Bamban, Tarlac naman aniya ay dalawang beses nang na-raid ng mga awtoridad. | ulat ni Nimfa Asuncion