Pinasisiguro ng ilang miyembro ng Kamara na mataas na kalidad ng bigas ang ibebenta ng National Food Authority (NFA) oras na matuloy na ang pagbebenta nila muli sa mga pamilihan.
Ayon kay PBA Party-list Representative Migs Nograles, hindi naman lolokohin ng NFA ang publiko sa pagbebenta ng bigas lalo na at madali lang naman magsumbong.
Naniniwala rin si Davao Oriental Representative Cheeno Almario na hindi mag-aalok ng substandard o mababang klase ng bigas ang NFA lalo na at nakabantay ang Kongreso.
“I’m very sure that NFA has very much aware of the public perception of their products and I’m very sure also that in line with that, the directives of our Chief Executive and as well as the oversight functions of Congress that the NFA would also pursue to give the best quality of products that they can have. I don’t think, nobody in their right mind would also try to settle for substandard product,” punto ni Almario.
Inaasahan na pagsapit ng Hulyo ay makakapagbenta na muli ang NFA ng bigas na ang halaga ay mas mababa sa trenta pesos dahil sa itinutulak na amyenda sa Rice Tariffication Law.
Kinilala naman ni 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez ang pag tutulungan sa pagitan ng Ehekutibo at Lehislatura para maisakatuparan ang mas abot-kayang presyo ng bigas para sa mga Pilipino.
“Yung Kadiwa Centers, this is an Executive thrust na wala naman actually tayong power. But in as much as we can support, nandoon po tayo para sumuporta. So, it’s just in line with what we’ve always said, we’re just putting action to our words na kapag priority ito ng House, we do everything that we can within our powers. We will be passing the RTL and you can rest assured po na we will continue to monitor the situation through our oversight functions,” ani Gutierrez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes