Pumalo na sa 100 ang miyembro ng LAKAS-CMD sa Kamara.
Kasunod ito ng pagsali ng tatlong lady solon sa partido nitong Martes.
Magkakasabay na nanumpa sa isang simpleng seremonya sina Representatives Ching Bernos ng Lone District ng Abra, Kristine Tutor ng 3rd District ng Bohol, at Julienne “Jam” Baronda ng Lone District ng Iloilo City kay Speaker Martin Romualdez.
Nanumpa rin kay Speaker Romualdez ang actress-singer na si Karla Estrada, ang ina ni Daniel Padilla.
“Together we can leverage Lakas-CMD’s significant representation in the House of Representatives and extensive membership nationwide to address the pressing issues facing our nation and advance policies that promote inclusive growth and prosperity for all,” ani Speaker Romualdez.
Sina Bernos at Tutor ay nanggaling sa Nacionalista Party habang si Baronda ay dating miyembro ng National Unity Party.
Ngayong umaga ay nakatakda namang lumagda sa alyansa ang LAKAS sa Partido Federal ng Pilipinas na siyang partido ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang Lakas ang unang partido na nakipagkoalisyon sa PFP matapos ang anunsyo ng Presidente na makikipag-alyansa ang PFP sa iba pang political parties bilang paghahanda sa 2025 Midterm Elections. | ulat ni Kathleen Jean Forbes