Nananatiling matatag ang Administrasyong Marcos sa hangarin nitong bawasan ang kahirapan at lumikha ng mas marami gayundin ay dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino.
Ito ang inihahayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) kasunod ng patuloy na pagbangon ng labor force ng bansa kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang bilang ng mga walang trabaho nitong Abril.
Batay sa ulat ng PSA, nakapagtala ito ng 3.9 percent unemployment rate noong Abril na mas mababa kumpara sa 4.7 percent na naitala sa kaparehong buwan noong isang taon.
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, nananatili nilang prayoridad ang paglikha ng deklidad at well-paying job gayundin ay ang pang-aakit mamumuhunan na lilikha ng trabaho mula sa pribadong sektor.
Nanawagan din ang NEDA sa agarang pagpasa ng Konektadong Pinoy Bill na layong patatagin ang digital connectivity na siyang daan para dumami ang trabaho na may kakaunting gastos.
Napapanahon din ayon sa NEDA ang atas ni Pangulong Ferdinand R.Marcos Jr na repasuhin ang minimum wage rate at pag-aralan kung paano pa mapagaganda ang proseso sa wage adjustment na siyang magpapatatag sa labor force. | ulat ni Jaymark Dagala