Pinaghahandaan na ng Senate Committee on Foreign Relations ang pagkakasa Senate inquiry tungkol sa sinasabing pagkakaroon ng ‘gentleman’s agreement’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa gobyerno ng China kaugnay ng sitwasyon sa West Philippine Sea.
Ayon kay committee chairperson Senador Imee Marcos binubuo na niya ang agenda para sa pagdinig maging ang listahan ng mga iimbitahang resource person at kwarto na para sa pagdinig.
Sinabi ng mambabatas na nais sana niyang maisagawa ang pagdinig sa isyu sa lalong madaling panahon dahil naging kontrobesiyal na ang usapin.
Sa ngayon ay hindi pa aniya masabi ni Senadora Imee kung iimbitahan sa gagawing pagdinig si dating Pangulong Duterte dahil naglilista pa lang sila ng mga iimbitahan.
Hindi rin inaalis ng mambabatas ang posibilidad na gawing executive session ang kanilang pagdinig para mas mabusising maigi ang isyu.
Aniya, palagi namang nariyan ang opsyon ng isang kumite na mag-convene sa isang executive session kung talagang may mga impormasyon na hindi pwedeng isapubliko.
Gayunpaman, mas nais aniya ni Senadora Imee na manatiling bukas sa publiko ang gagawin nilang hearing. | ulat ni Nimfa Asuncion