Arestado ng Taguig City Police ang dalawang lalaki na nagpanggap na mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa C5 Road sa Taguig City.
Kinilala ang mga suspek na sina Tomas Taguinod Jr. at Karl Vincent Moaña.
Nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng tawag ang Taguig City Police Substation 2 mula sa Taguig City Command Center, na nagsasabi na may dalawang lalaki na nagpakilalang mga traffic enforcer ng MMDA.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang pumapara ang mga suspek ng mga truck sa bahagi ng C5 Road.
Napag-alaman din na ang isa sa mga suspek na si Taguinod Jr. ay dating traffic enforcer ng MMDA na naka-assign sa C5-McKinley.
Napatunayan siyang guilty sa reklamong extortion at grave misconduct noong 2021 kaya’t hindi na ni-renew ng MMDA ang kaniyang kontrata.
Bigo naman ang dalawang suspek na magpakita ng mission order at valid ID na magpapatunay na sila ay mga kawani ng MMDA kaya’t inaresto sila ng Taguig City Police.
Mahaharap ang dalawang suspek sa kasong usurpation of authority. | ulat ni Diane Lear