Patuloy na pinalalakas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang iba’t ibang programa at serbisyo nito na makakatulong sa mga karapat-dapat na Pilipino.
Partikular ang mga nangangailangan ng tulong kabilang ang mga nasa krisis dahil sa pagkawala ng trabaho.
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, maaaring mag-avail ng programa at serbisyo ng ahensya ang mga Pilipinong walang trabaho batay sa assessment na isasagawa ng social workers.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, tumaas ang unemployment rate sa 3.9 percent noong Marso mula sa 3.5 percent noong Pebrero.
Sinabi ni Dumlao, maaaring lumahok sa Sustainable Livelihood Program ang mga nawalan ng trabaho.
Bukod sa livelihood at employment facilitation services, nagbibigay din ng cash-for-training at cash-for-work ang DSWD sa pamamagitan ng Project LAWA at BINHI.
Bukod pa rito, ang tulong sa ilalim ng Individual In Crisis Situation o (AICS) na nagbibigay ng pagkain at cash aid bukod sa medikal, edukasyon at iba pang tulong. | ulat ni Rey Ferrer