Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga lokal na pamahalaan sa bansa na maging handa para sa pagpasok ng La Niña sa Pilipinas.
Sa distribusyon ng financial aid sa Zamboanga ngayong araw (May 9), sinabi ng Pangulo na humaharap sa matinding pagsubok ang buong mundo, bunsod ng climate change.
‘Extreme weather’ na aniya ang nararanasan sa kasalukuyan.
Matapos aniya ang matinding init at tagtuyot sa Pilipinas, inaasahan naman ang pagpasok ng matinding pag-ulan.
“Mga kababayan, ang buong mundo po ay nahaharap sa matinding pagsubok dulot sa tinatawag na climate change, pagbabago po ng panahon. Extreme weather ang nararanasan natin. Matinding init ngayon at sa mga susunod na buwan naman ay asahan natin ang matindi naman na pag-ulan,” — Pangulong Marcos.
Dahil dito, umaapela ang Pangulo sa mga lokal na pamahalaan na alamin ang pangangailangan ng kanilang nasasakupan at gumawa ng mga programa na sisiguro sa kapakanan ng kanilang mga residente.
“Kaya naman po, nananawagan ako sa lokal na pamahalaan ng Zamboanga at sa mga karatig-bayan [nito sa] buong rehiyon: Maging handa po kayo sa lahat ng oras. Alamin natin ang pangangailangan ng ating mga nasasakupan at gumawa tayo ng mga programa na tiyak na makakatulong sa ating mga kababayan,” — Pangulong Marcos.
Sila aniya sa national government ay hindi pababayaan ang mga Pilipino at agad na tutugon sa pangangailangan ng mga ito.
“Ang pambansang pamahalaan, the national government, sa tulong ng lokal na pamahalaan, ay agarang tutulong sa lahat ng apektado ng El Niño. Kaya naman hinihimok po namin ang lahat ng apektado ng matinding tagtuyot na makipag-ugnayan sa inyong mga lokal na pamahalaan upang malaman at matugunan ang inyong mga pangangailangan at inyong mga hinaharap na problema,” — Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan