Dumating na sa ating bansa ang ika-21 Batch ng overseas Filipino workers (OFW) mula sa bansang Israel kaninang hapon.
Ito ay sakay ng Eithad Airways Flight EY 424 na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 kaninang alas-3:50 ng hapon.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nasa 60 OFWs at isang sanggol ang umuwi sa ating bansa matapos ang patuloy na kaguluhan sa pagitan ng grupong Hamas at Israel.
Samantala, umabot na sa 880 OFWs ang na-repatriate na sa ating bansa mula nang mag-umpisa ang kaguluhan doon.
Makakatanggap naman ang naturang OFWs ng tulong at iba pang mga assistance mula sa DMW at sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kabilang ang accommodation at pamasahe pauwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Kabilang din ang tulong mula sa Department of Social Welfare and Development at Technical Education and Skills Development Authority upang magkaroon ng mas maayos na kabuhayan sa pagbabalik muli nila sa Pilipinas. | ulat ni AJ Ignacio