Ipinagagamit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ang budget ng Office of the President para maipandagdag sa ipinagkakaloob na tulong ng pamahalaan para sa mga naapektuhan ng El Niño phenomenon.
Sa talumpati ng Pangulo sa ginawang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka sa Isulan, Sultan Kudarat, sinabi nitong sa pag- iikot niya sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ay may napaghuhugutan naman ng tulong para sa mga magsasaka at mangingisda na mula sa DSWD, DOLE at DA.
Subalit maaari pa aniyang madagdagan ito na kung saan ay maaaring hugutin sa Office of the President ang ilalaang pondo para pantulong sa mga mangingisda’t magsasaka.
Tiniyak din ng Punong Ehekutibo na patuloy ang gagawin niyang pagpunta sa mga lugar na naapektuhan ng matinding tagtuyot at ihahatid ang karampatang tulong ng pamahalaan.
Ngayong umaga ay naghatid ng tulong ang Pangulo sa mga taga Sultan Kudarat na kung saan ay iniabot into ang tulong na sampung libong pisong ayuda sa benepisyaryo ng Assistance to Individuals in crisis, 5k sa mga magsasaka na mula sa rice competitiveness enhancement fund ng Dept. of Agriculture at 4k na tulong mula sa TUPAD program ng DOLE. | ulat ni Alvin Baltazar