Nakauwi na sa Pilipinas ang Pilipinong crew member ng barkong MSC Aries na kabilang sa binihag ng Iranian Forces malapit sa Straight of Hormuz.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMD), dumating sa bansa ang Pilipinong tripulante pasado alas-4 ng hapon lulan ng flight mula sa Middle East matapos ang halos isang buwan sa kustodiya ng Iranian Naval Forces.
Sinalubong siya ng mga opisyal ng gobyerno kabilang na sina Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, OWWA Administrator Arnell Ignacio, at DFA Assistant Secretary Mardomel Celo Melicor.
Matatandaang noong April 13 binihag ng Iranian Navy ang Portuguese flagged-ship na MSC Aries habang ito ay naglalayag sa Strait of Hormuz.
Kasama sa mga binihag ang apat na Pilipinong seafarer.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng gobyerno ng Pilipinas sa Iran para mapauwi ang tatlo pang natitirang tripolante. | ulat ni Diane Lear