Pinakakasuhan na ng Office of the Ombudsman sina dating Health Secretary Francisco Duque III at dating Undersecretary Lloyd Christopher Lao ng Procurement Services ng Department of Budget and Management (PS-DBM) dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Kaugnay ito sa umanoy anomalya sa paglilipat ng Department of Health (DOH) ng ₱41-billion na pondo sa PS-DBM para sa pagbili ng COVID-19 medical supplies.
Sa 49 na pahinang resolusyon ng Ombudsman, nakitaan ng sapat na basehan o may probable cause para madiin sa kaso sina Duque at Lao.
Abswelto naman ang iba pang opisyal ng DOH tulad nila Undersecretary Carolina Taiño, Myrna Cabotahe, Roger Tong-an, Enrique Tayag, at iba pa.
Una nang pinagtibay ng Ombudsman ang naunang desisyon na nagdidiin kay Lao at iba pang opisyal ng PS-DBM sa kasong katiwalian dahil naman sa umano’y anomalya sa pagbili ng medical supplies sa Pharmally. | ulat ni Diane Lear