Sinimulan na ngayong araw ng pamahalaang lokal ng Maynila ang dry run para sa car-free Sunday sa bahagi ng Roxas Boulevard.
Kanina, kapwa ininspeksyon nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang ruta ng Car-free Sunday sa Roxas Blvd. mula Padre Burgos Avenue hanggang Quirino Avenue.
Ito ay sang-ayon sa Ordinance 9047 na inilabas ng Maynila upang gawing car-free ang nasabing bahagi ng Roxas Blvd. mula 5:00 hanggang 9:00 ng umaga upang hikayatin ang publiko na magsagawa ng mga aktibidad tulad ng paglalakad, jogging, running, at pagbibisikleta.
Isasagawa ang nasabing car-free Sunday sa nabanggit na kalsada sa mga araw ng Linggo mula ngayong araw hanggang sa huling Linggo ng Hunyo sa June 30.
Pinapayuhan naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na gamitin ang mga alternatibong ruta tulad ng Quirino Avenue, Padre Burgos Avenue, Taft Avenue, Maria Orosa Street, Kalaw Avenue, M.H. del Pilar Street, at Bonifacio Drive.
Bukod dito, pinapayuhan naman ang mga drayber ng truck mula sa Del Pan Bridge na mag reroute sa pamamagitan ng Anda Circle at Mel Lopez Boulevard patungong C3 tungo sa inyong destinasyon.
May mga signages na rin sa buong Roxas Boulevard na naglalaman ng impormasyon para sa mga motorista ukol sa nasabing car-free Sunday sa lungsod ng Maynila. | ulat ni EJ Lazaro