Aksidenteng nabingwit ng isang mangingisda na si Sonny Ulbano ang isang pawikan noong Mayo 8, sa Lungsod ng Oroquieta, Misamis Occidental.
Ayon kay Ulbano, aksidenteng natamaan ng isa sa kaniyang mga bingwit ang naturang pawikan habang siya ay nangingisda sa laot.
Iniulat ito agad ni Ulbano sa awtoridad at agad namang rumesponde at ni-resque ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Oroquieta City Environment and Natural Resources (CENRO), at Bantay Dagat ang naturang pawikan.
Ito ay isang uri ng Green Sea Turtle, isang “endangered” o nanganganib nang maubos na pawikan na may haba na 1 metro at lapad na 76 cm.
Agad naman itong dinala ng mga awtoridad sa Barangay Mobod Marine Protected Area Sanctuary upang gamutin ang natamong sugat at suriin ang kalagayan nito.
Pinakawalan din agad ito sa dagat matapos matiyak na nasa ligtas at maayos na kalagayan ito.
Batay sa DENR Administrative Order 2019-09, ang mga Green Sea Turtle ay kabilang sa kategoryang B bilang “Endangered” o nanganganib nang maubos dulot ng iba’t ibang dahilan tulad ng pagkasira ng kanilang tahanan, polusyon, pagbabago ng klima, matinding pananamantala, at mapaminsalang espesye. | ulat ni Sharif Timhar | RP1 Iligan
📸ENRO Oroquieta