Ikinalugod ng ilang consumer sa Quezon City ang ipinatupad na voluntary price freeze ng ilang manufacturer sa mga pangunahing bilihin bilang tulong sa gitna ng epekto ng El Niño.
Kaugnay ito ng pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na may ilang manufacturer ng bottled water, canned meat, at processed milk ang walang taas-presyo hanggang July 10.
Isa sa nakapanayam ng RP1 team si Nanay Aileen na may maliit na sari-sari store. Ayon sa kanya, makatutulong ito para hindi na siya magdagdag sa puhunan at hindi na rin tumaas ang bilihin para sa kanyang mga suki.
Umaasa naman si Nanay Alicia na may tindahan din ng kape na maisama ang naturang produkto sa price freeze para hindi naman din siya kapusin sa puhunan.
Para naman kay Tatay Mario, dapat na hindi lang hanggang Hulyo nag-price freeze kundi palawigin pa dahil matagal naman ang epekto ng El Niño at para makatulong lalo sa kanilang hirap sa buhay.
Una nang sinabi ng DTI na nakatutok ito sa pagtiyak na tama ang presyo ng mga bilihin, pagprotekta sa kapakanan ng mga konsyumer, at pagsiguro na ang mga retailer ay responsible sa maayos na pagpapatakbo ng kanilang negosyo. | ulat ni Merry Ann Bastasa