Iginiit ni Senador Jinggoy Estrada na hindi dapat gamiting testigo sa pagdinig ng Senado si dating PDEA agent Jonathan Morales.
Ayon kay Estrada, matatawag na ‘congenital liar’ o likas na sinungaling si Morales kaya naman hindi ito dapat na ituring na testigo ng Senate Committee on Dangerous Drugs.
Plano ng senador na kwestyunin sa gagawing panibagong pagdinig ngayong araw kung bakit pinapayagan pang tumestigo si Morales.
Pag-aaksaya lang aniya ng oras ang pakikinig kay Morales dahil bukod sa wala itong kredibilidad ay nasa isang dekada na itong permanenteng ‘banned’ sa pagseserbisyo sa gobyerno nang mahatulan sa kasong dishonesty at grave misconduct makaraang magtanim ng ebidensya sa isang drug bust operation.
Base ito sa desisyon ng Civil Service Commission noong 2014, kung saan pinagbawalan na din itong kumuha ng anumang civil service examination.
Na-forfeit din ang retirement benefits nito dahil ayon sa CSC, sinira nito ang reputasyon ng pamahalaan nang iligal na arestuhin at taniman ng ebidensya ang inosenteng tao. | ulat ni Nimfa Asuncion