Umaapela si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tuluyan nang ibasura ang EO 285.
Ang naturang kautusan na inilabas noong panahon ni dating Pangulong Erap Estrada ay nagbibigay kapangyarihan sa Bureau of Immigration na i-convert ang tourist visa sa student visa.
Sa ilalim nito, isang inter-agency committee on foreign student na pinamumununan ng CHED, kasama ang DFA, NBI, NICA at DEPED ang binuo.
Diin ni Barbers na sa panahon ngayon ay maaaring naaabuso ang naturang kapangyarihan at nagagamit pa ng ilang tiwaling opisyal para makapangikil ng pera.
“In today’s setting, this particular power by the BI can be abused. This arbitratry power to convert visas is the worst legalized scheme that can be used by unscrupulous personnel for monetary gain”, sabi ni Barbers.
Tinukoy nito na noong 2023, 16,200 student visa ang ibinigay ng BI sa mga Chinese national.
Sabi pa ng mambabatas na dapat ay DFA na lang ang tanging ahensya na maggawad ng visa sa mga dayuhan dahil ito lang din ang ahensya na may sapat na kakayanan para suriin kung ang aplikante ay papasa para mabigyan ng visa o hindi. | ulat ni Kathleen Jean Forbes