Mariing tinutulan ng National Security Council ang panawagan ng mga makakaliwang grupo na buwagin ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ang panawagan ay ginawa ng Karapatan, Gabriela, at Human Rights Watch (HRW), at iba pang mga kaalyado ng kilusang komunista matapos na ideklara ng Korte Suprema na ang “red-tagging” ay banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng mga mamayan, na maaring maging basehan sa pagkakaloob ng protection order.
Sa isang kalatas, binigyang diin ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya na walang basehan ang naturang panawagan.
Nilinaw ni Malaya na hindi tinukoy ng Korte Suprema ang NTF-ELCAC na sangkot sa “red-tagging”, at hindi kasama ang NTF-ELCAC sa kasong dinisisyunan ng Kataas-taasang hukuman.
Giit ni Malaya, malinaw na isang pagtatangka lang ang naturang panawagan na pigilan ang pagkamit ng pamahalaan ng “complete victory” laban sa Communist Party of the Philippines (CPP). | ulat ni Leo Sarne