Binigyang diin ni Senador Jinggoy Estrada ang malalim na responsibilidad nilang mga senador na tiyakin ang katotohanan sa mga pahayag ng mga indibidwal na tumatayong testigo o resource person sa mga ikinakasa nilang pagdinig.
Ginawa ni Estrada ang pahayag na ito sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Dangerous Drugs tungkol sa sinasabing pag-leak ng ilang dokumento ng PDEA.
Ayon kay Estrada, bahagi rin ito ng moral na obligasyon nilang mga mambabatas.
Wala aniyang puwang sa kanilang mga Senate hearing ang mga nagpapakalat ng mga hindi totoong pahayag lalo na’t nanumpa ang mga ito na magsasbi ng katotohanan lang.
Dinagdag pa ni Estrada na dapat iprayoridad ang evidence-based na talakayan at iwasang bigyan ng plataporma ang mga nagmamanipula ng katotohanan para lang sa personal gain o hidden agenda.
Ang pagpapahintulot aniya ng pagpapakalat ng maling impormasyon at gawa-gawang testimonya ay nakakapagpahina lang ng kredibilidad ng Mataas na Kapulungan na maghanap ng hustisya at accountability.
Matatandaang una nang kinukwestiyon ni Estrada ang kredibilidad ng pangunahing testigo sa ginagawang pagdinig ng Senate Committee on Dangerous Drugs na si dating PDEA agent Jonathan Morales bilang nahaharap ito sa patong-patong na kaso, kabilang na ang paglabag sa Article 180 ng Revised Penal Code, ang batas na nagtatakda ng parusa para sa mga taong nagbibigay ng peke o maling testimonya laban sa isang akusado – kasong naka-pending sa korte sa Pampanga. | ulat ni Nimfa Asuncion