Pag-aaralan ng Senate Committee on Rules ang posibilidad na pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Senate Majority leader at Committee on Rules chairman Senador Joel Villanueva, pag-aaralan nila ang usapin at kokonsultahin ang mga kasamahan niya sa mataas na kapulungan maging ng mga eksperto tungkol dito.
Sinabi ni Villanueva na may iba’t ibang magkakaibang posisyon tungkol dito.
Pinunto ng senador na kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute, o sa kasunduang bumuo ng ICC, nang walang concurrence o pagsang-ayon ng Senado.
Kaya naman pag-aaralan aniya nila kung kakailanganin pa ng concurrence o pagsang-ayon ng Senado kung muli tayong sasali sa ICC.
Matatandaang kinakailangang dumaan at sumang-ayon ang Senado sa mga international treaties na pinapasok ng Pilipinas.
Una nang binahagi ng Department of Justice (DOJ) na naghahanda sila ng briefer para kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay ng sinasabing posibilidad na sumali muli ang Pilipinas sa ICC at ang pros and cons nito.| ulat ni Nimfa Asuncion