Wala pa ring tugon hanggang ngayon si dating House Speaker at Davao de Norte Rep. Pantaleon Alvarez kaugnay sa reklamong inihain sa kaniya sa House Committee on Ethics.
Ito ang kinumpirma ni Ako Bicol party-list Rep. Jil Bongalon, vice- chair ng komite sa isang pulong balitaan.
Aniya, sa Huwebes, May 16, magtatapos ang sampung araw na palugit na ibinigay ng komite para ipaliwanag ni Alvarez ang kaniyang panig.
Matatandaan na May 7 nang maipadala ng komite ang notice sa mambabatas kaugnay sa reklamo ni Tagum Mayor Ray Uy.
Batay naman aniya sa House Rules, maaaring maharap si Alvarez sa reprimand, censure, suspension ng 60 days, expulsion sa Kamara at iba pang penalty na pwedeng ipataw ng komite.
Ano mang desisyon ng Komite ay pagbobotohan sa plenaryo ng Kamara.| ulat ni Kathleen Forbes