Pormal nang pinirmahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) ang isang kasunduan upang gawing accredited na Practical Driving Examination Center (PDEC) ang MMDA Motorcycle Riding Academy.
Sa ilalim ng kasunduan, ang mga aplikante o kukuha ng lisensya sa pagmamaneho ng motorsiklo ay kinakailangang makapasa sa mga pagsusulit na gagawin sa Motorcycle Academy.
Bukod sa mga praktikal na pagsusulit, magkakaroon din ng interconnection ang Motorcycle Academy sa Land Transportation Management System (LTMS) ng LTO.
Magtatalaga rin ang LTO ng mga driver’s skills rater para magsagawa ng mga pagsusulit.
Samantala, mananatiling libre ang training na ibinibigay ng Motorcycle Academy sa mga motorcycle rider. Ang akademya ay matatagpuan sa Julia Vargas Avenue, corner Meralco Avenue sa Pasig City.
Layon nitong isulong ang kaligtasan sa kalsada sa pamamagitan ng pagbibigay ng dekalidad na theoretical at practical training sa mga motorcycle rider.| ulat ni Diane Lear