Naghain ng reklamo sa PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang isang pribadong grupo laban sa mga nasa likod ng deepfake video na layong siraan ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasong paglabag sa Article 154 ng Revise Penal Code in relation to Anti-Cybercrime Law ang inireklamo ng Kapisanan ng mga Social Media Broadcasters ng Pilipinas (KSMBPI), sa pangunguna ni Dr. Michael Raymond Aragon, ang chairperson ng grupo, kasama si Atty. Anna Tan.
Kabilang sa mga inireklamo ang apat na social media influencers at social media pages na posible pang madagdagan.
Ayon kay Aragon, dapat mapanagot ang mga responsable sa video dahil may implikasyon sa national security ang pagpapakalat ng pekeng balita na maaaring makaimpluwensya ng paniniwala.
Matatandaan na nagbabala na ang Malacanañg sa publiko sa deepfake video kung saan maririnig ang boses ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagbibigay ng pekeng pahayag.
Sinabi rin ng Presidential Communications Office na minanipula ang video at nagawa ito sa pamamagitan ng Artificial Intelligence. | ulat ni Leo Sarne