Mahigpit na binabantayan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isinasagawang civilian convoy ng “Atin Ito” Coalition sa Bajo de Masinloc.
Ito ang inihayag ni Philippine Navy Spokesperson for West Philippine Sea, Commodore Roy Vincent Trinidad makaraang kumpirmahin nito na nagpadala sila ng barko para tutukan ang nasabing aktibidad.
Gayunman, tumangging magbigay ng detalye si Trinidad hinggil sa distansya ng naturang mga barko ng Navy sa civilian convoy para na rin sa kaligtasan ng mga pumalaot.
Mahigpit din ang ugnayan ng AFP sa Philippine Coast Guard (PCG) gayundin sa naturang grupo hinggil dito.
Una nang napaulat ang biglaang pagdami ng mga barko ng China Coast Guard gayundin ng Chinese Maritime Militia Vessel sa paligid ng Bajo de Masinloc para umano harangin ang convoy ng “Atin Ito” Coalition.
Kahapon, May 14 nagsimula ang pagpalaot ng “Atin Ito” patungong Bajo de Masinloc na tatagal hanggang sa Biyernes, May 17.
Kasunod niyan, pinapurihan ni Trinidad ang katapangan ng grupo para igiit ang karapatan ng Pilipinas sa naturang bahura na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) at continental shelf ng bansa sa West Philippine Sea. | ulat ni Jaymark Dagala