Naniniwala ang Independent Electricity Market Owner of the Philippines (IEMOP), na malapit nang matapos ang pag-iral ng mga Yellow Alert at Red Alert status sa power grid sa bansa.
Sa ginanap na QCJI forum, sinabi ni IEMOP Trading Operations Head Isidro Cacho Jr., na posibleng hanggang ngayong Mayo na lang at hindi na aabot sa susunod na buwan ang nararanasang Yellow at Red Alert partikular sa Luzon at Visayas Grid.
Paliwanag nito, karamihan kasi ng hydroplants ang naapektuhan ng matinding init ng panahon kaya kumakapos ang reserba sa kuryente sa mga nakalipas na linggo.
Inihayag din ni Cacho, na babalik na sa normal ang suplay ng kuryente dahil humuhupa na ang mainit na temperatura sa bansa bunsod ng naitatalang mga pag-ulan sa Metro Manila at iba pang rehiyon.
Maaari aniyang lumaki na rin ang supply margin sa pagpasok ng tag-ulan na kadalasang nagreresulta rin sa mas mababang demand sa kuryente. | ulat ni Merry Ann Bastasa